Ipinakita ni Senador Antonio Trillanes IV ang kopya ng dalawang hearing ng Senate Committee on National Defense and Security sa media.
Sa October 30, 2013 hearing sinabi ng director general at national adviser ng Philippine Security Council Cesar Garcia na hindi naiwala o naibenta sa China ang Scarborough shoal.
Inulit muli ang nasabing tanong kay Garcia ng chairman ng komite na si Senador Trillanes noong May 7, 2015 at sinabi nito na hindi naiwala ng bansa ang soberanya sa Scarborough shoal.
Ang paglilinaw na ito ni Trillanes ay kasunod ng unang pahayag ni Presumptive President Rodrigo Duterte na kumukuwestyon kung paano natin naiwala ang Scarborough shoal na hindi na umano mapuntahan ng ating mga mangingisda.
At ang pahayag nito na matapos ng 16 na pagbisita doon ni Trillanes, ay nawala ang Scarborough shoal.
Naninidigan ang senador na nasa Pilipinas pa rin ang soberanya sa Scarborough shoal at wala sa China.
Aniya, layunin ng kanyang pagiging back channel negotiator ay upang mapahupa ang tensyon sa sigalot sa West Philippine Sea ayon na rinsa direktiba sa kanya ni Pangulong Aquino.
Gayunman, bukas si Senador Trillanes na magkaroon ng dayalogo kay Duterte upang mailatag ang detalye sa Scarborough issue kung kinakailangan.
Umaasa ang senador sa pagbago ng pananaw ni Duterte oras na matalakay sa kanyang ng security cluster ang isyu ng West Philippine Sea.
Nilinaw naman ni Trillanes na hindi sya magiging hadlang sa mga isusulong programa ni Presumptive President Duterte para sa bansa.
(Bryan de Paz/UNTV NEWS)
Tags: presumptive President Rodrigo Duterte, Scarborough Shoal, sen. trillanes