Sen. Risa Hontiveros, nanindigang dapat magbayad ang China ng halos P200 bilyon dahil sa pinsala sa West Phl Sea

by Radyo La Verdad | April 23, 2020 (Thursday) | 54110

METRO MANILA – Binatikos ng Embahada ng China ang naging pahayag ni Senator Risa Hontiveros na dapat pagbayarin ang China sa mga pinsalang idinulot nito sa reef ecosystems sa West Philippine Sea sa nakalipas na anim na taon.

Ayon sa Senadora, batay aniya sa pag-aaral ng University of the Philippines’ Marine Science Institute, hindi bababa sa 33 billion pesos ang environmental damages ng China kada taon. Kung susumahin, aabot na umano ito sa dalawang bilyong piso na maaari aniyang gamitin sa pagtugon ng bansa sa COVID-19 crisis.

Sa isang pahayag, sinabi ng tagapagsalita ng Chinese Embassy sa Pilipinas na iresponsable at nakatatawa ang naging pahayag ng Senadora na nais lamang umano na makakuha ng atensyon at mamulitika.

Iginiit din nito na patuloy ang pagtulong ng China sa Pilipinas sa gitna ng COVID-19 pandemic at nananatiling magkaibigan ang dalawang bansa.

Pero sagot ni Hontiveros, higit na iresponsable aniya ang ginagawa ng China sa patuloy nitong paglabag sa soberanya ng Pilipinas sa gitna ng krisis sa COVID-19.

Hindi rin aniya pwedeng sabihin ng China na sila ay isang ‘friendly neighbor’ kung patuloy naman ang land reclamation activities nito sa West Philippine Sea.

Ayon sa Senadora, ang totoong magkaibigan ay nagtutulungan at hindi nang-aagaw ng mga isla at naninira ng mga bahura.

Sa kabila nito, naninindigan pa rin si Hontiveros na dapat pagbayarin ang China sa mga pinsalang ginawa nito sa West Phiippine Sea.

(Harlene Delgado)

Tags: , ,