Sen. Leila de Lima, sasampahan ng disbarment at ethics complaint ng House Justice Committee sakaling balewalain ang show cause order

by Radyo La Verdad | November 30, 2016 (Wednesday) | 968

de-lima
Tatlong option o hakbang ang nakikita ngayon ng House Committee on Justice sakaling balewalain ni Senator Leila de Lima ang inihain nilang show cause order.

Batay sa order, may 72-hours o tatlong araw ang senadora upang magpaliwanag kung bakit hindi siya dapat i-cite in contempt dahil sa ibinigay na payo kay Ronnie Dayan na huwag dumalo sa pagdinig noon ng Lower House kaugnay ng Bilibid drug trade.

Sa panayam ng programang Get It Straight, sinabi ni Committee Chairman Congressman Reynaldo Umali na bukod sa criminal case ay posible silang magsampa ng disbarment case o ethics complaint laban sa senadora.

Ayon naman kay House Speaker Pantaleon Alvarez, posible nilang gawin nang sabay-sabay ang legal actions laban kay Sen. De Lima kung patuloy itong magmamatigas.

Naninindigan rin si Congressman Umali na wala silang nilalabag sa umiiral na inter-parliamentary courtesy sa Kongreso na posible umanong mag-resulta sa pagkakaroon ng constitutional crisis.

Giit ng mga mambabatas, paggalang sa Lower House ang kanilang hinihingi sa pagsagot ni Senator De Lima sa inihaing show cause order.

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: ,