May prosesong kailangan pagdaanan at hindi agad maaaring tanggalin sa pagiging senador si sen. Leila de Lima.
Ito ang tugon ni Senate President Aquilino Pimentel III sa hamon ni Kabayan Rep. Harry Roque na mismong ang Senado na ang mag-dimiss kay de Lima dahil sa umanoy pagpigil niya sa kanyang dating driver body guard na si Ronnie Dayan na dumalo sa pagdinig ng Kamara.
Kailangan munang magsagawa ng mini trial ang House of Representative upang talakayin kung may sapat na basehan ba para i-cite for contempt si sen. Leila de Lima.
Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel, premature pa ang hamon ni Rep. Harry Roque gayong wala pang due process sa Kamara.
Dapat aniya ay ma-determina muna ng Kamara kung may pagkakamali ang senador at saka sila magsumite ng rekomendasyon sa Senado.
Maaari aniyang i-daan sa isang ethics complaint ang contempt kay de Lima na siya namang tatanggapin ng Senate Ethics Committee.
Sunod nito ay titignan ng komite kung may hurisdiksyon sila para i-proseso ang reklamo at maglabas ng rekomendasyon.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)