Sen. Koko Pimentel, hindi nakumpleto ang dalawang termino kaya pwede pang tumakbo – abogado

by Radyo La Verdad | October 24, 2018 (Wednesday) | 8716

Hindi pa umano nakukumpleto ni Senador Koko Pimentel ang dalawang buong magkasunod na termino na tig anim na taon sa kaniyang paninilbihan sa Senado.

Kaya’t para sa kanyang abogado, kwalipikado at pwede pa itong tumakbo sa 2019 senatorial elections.

Ayon ay Atty. George Garcia, mali ang interprestasyon ng petitioner na si Atty. Ferdinand Topacio sa probisyon ng Saligang Batas tungkol sa term limit.

Kahapon, naghain ng petisyon sa Comelec si Topacio upang makansela ang certificate of candidacy (COC) ni Pimentel. Katwiran nito, kahit hindi naumpisahan ni Pimentel ang una niyang termino, siya pa rin naman ang tumapos nito.

Matatandaang noong Agosto 2011, kinatigan ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang election protest ni Sen. Pimentel laban kay Sen. Juan Miguel Zubiri at idineklarang siya ang pang labindalawang nanalong senador noong 2007 elections. Pero dalawang taon na lamang, naupo si Pimentel sa una niyang termino.

Paliwanag ng abogado nito, “mayroon namang termino na ang tinatawag ay tenure, ang tenure iyan naman ay ang actual service of the term so kung halimbawa ikaw ay nakatatlong taon lamang sapagkat ikaw ay natanggal o ikaw ay nakadalawang taon lamang sapagkat ikaw ay nagresign ka, iyon ay tinatawag na tenure.”

“Yun bang 2 taon ni Senator Koko Pimentel sa unang dapat na termino niya ay dapat bang tawaging termino, ang sagot doon ay hindi ang tawag natin doon ay tenure.” – pahayag ni Atty. George Garcia

Ganito rin ang pananaw ng isa pang election law expert.

Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, kapareho lang ang kaso ni Pimentel sa disqualification case laban sa isang alkalde na dinesisyonan ng Korte Suprema noong 2013.

 

( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )

Tags: , ,