Nagsumite na ng comment si Sen.Joseph Victor Ejercito sa Sandiganbayan 5th division para sa inihaing mosyon ng prosekusyon upang ipasuspinde siya bilang senador.
Kaugnay ito ng kasong graft at illegal use of public funds ni Ejercito dahil sa umano’y paggamit ng calamity fund ng San Juan City upang ipambili ng mga armas noong mayor pa siya ng lungsod taong 2008.
Paliwanag ng prosekusyon, dapat mapatawan ng preventive suspension ang senador dahil maaring magamit nito ang kanyang posisyon upang maimpluwensyahan ang mga testigo at iba pang ebidensya sa kaso.
Sinabi ng prosekusyon na naaayon sa Section 13 ng Republic Act 3019 na maaaring suspindihin ang sinumang opisyal na nasasangkot sa kaso ng katiwalian habang dinidinig pa ang kaso nito sa korte.
Ayon naman sa senador, matagal na naka-usap ng prosekusyon at ng kanyang mga abogado ang mga testigo kaya’t wala nang dahilan upang impluwensiyahan niya ito.
Katwiran pa nito na kung isususpinde siya ay matitigil ang pagusad ng mga proyekto at pagbibigay ng serbisyo sa publiko na nasimulan na niya.
Hiniling din ng mga kapwa niya akusadong sina Ranulfo Dacalos, Romualdo Delos Santos, Lorenzo Catalan Ching na kasalukuyang opisyal ng San Juan City na huwag din silang masuspinde dahil sa kanilang ginagampanang tungkulin sa lokal na pamahalaan.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)