Sen. JV Ejercito, ipinasususpindi ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong graft

by Radyo La Verdad | August 24, 2016 (Wednesday) | 1083

EJERCITO
Naglabas ng resolusyon ang Sandiganbayan 5th division para sa mosyon ng prosekusyon na suspindihin si Senator Joseph Victor Ejercito.

Batay sa inilabas na kautusan, syamnapung araw na sinususpindi bilang senador si Ejercito dahil sa kasong graft laban sa kanya.

Sakop din ng suspension order ang incumbent officials ng lokal na pamahalaan ng San Juan.

Nakasaad sa resolusyon ng korte na hindi naman maaapektuhan ang kanyang mga maiiwanang trabaho sa senado dahil mayroon pa namang ibang senador na maaaring gumawa ng kanyang mga obligasyon

Naniniwala rin ang korte na maaaring humanap ng pansamantalang kapalit ang senate president kay Ejercito bilang Urban Planning, Housing and Resettlement Committee Chairman.

Nanindigan naman si Senator JV na walang mali sa kanyang ginawa.

Nagsimula ang kaso nang gamitin umano ni Ejercito ang calamity fund ng San Juan City bilang pambili ng mga high powered firearm noong 2008

Ayon kay Ejercito obligasyon niya bilang alkalde ng San Juan na protektahan ang kanyang mga nasasakupan kung kaya’t hindi ito nag-alangan na aprubahan ang pagbili sa nasabing mga high powered firearm.

Gayunman, nirerepeto aniya ang desisyon ng korte at naniniwalang nasa panig niya ang hustisya.

Sa pinaka-huling pagdinig sa kaso, pinatunayan ng kampo ni Ejercito na nakasaad mismo sa ordinansa ng lungsod na limang milyong piso ang budget na dapat ay nakalaan sa pagbili ng mga armas ngunit 2.1 million lamang ang ginagamit ni Ejercito.

Kung totoo anila na nais ni Ejercito na nakawin ang mahigit 2 milyong piso, dapat sana ay isinagad na nila ito sa limang milyon na siyang aprubadong budget sa pagbili ng firearms.

Naniniwala si Senator JV na sa lalong madaling panahon ay madidismiss ang kanyang kaso dahil sa kawalan ng matibay na ebidensya ng prosekusyon laban sa kanya.

(Mon Jocson/UNTV Radio)

Tags: ,