Pasado alas-otso ng umaga dumating sa Sandiganbayan si Sen JV Ejercito upang maipiyansa sa kasong graft.
Ito ay matapos na mailabas ang warrant of arrest kahapon ng korte.
Mahigit dalawang oras inabot ang booking procedure sa senador at sa mga kapwa akusado nito.
Thirty thousand pesos ang halaga ng piyansa ng senador sa kasong nag-ugat sa 2.1 million pesos na calamity fund na ginamit pambili ng armas taong 2008, noong siya pa ang mayor ng San Juan City.
Ayon sa impormasyon ng kaso, nakipagsabwatan si Ejercito at iba pang dating opisyal ng San Juan City upang magamit ang calamity fund sa iba.
Itinakda ng korte ang pagbabasa ng sakdal kay Ejercito sa April 18.
Maliban sa graft, nahaharap din ang senador sa kasong malversation sa 6th division kung saan kapwa akusado niya ang ilang dating city councilors kabilang na ang kasalukuyang vice mayor ng lungsod na si Francis Zamora.
Ayon kay Ejercito, ang pamilya ng mga Zamora ang nasa likod ng pagsasampa ng kaso.
Magkalaban sa pagka-alkalde ng lungsod si Francis Zamora at ang ina ni Sen Ejercito na si Guia Gomez.
Dagdag pa ng senador, walang iregularidad sa pagbili ng armas dahil para naman ito sa seguridad ng san juan.
Itinanggi naman ni Vice Mayor Francis Zamora na sila ang nasa likod ng pagsasampa ng kaso.
Ayon din kay Zamora, hindi calamity fund ang ginamit na pondo para sa mga armas, kundi ang general appropriations fund.
Sinabi ni Zamora na ang dapat na sagutin ni Senator Ejercito ay ang maanomalyang bidding process at huwag isisi sa ibang tao ang kuwestyunableng transaksiyon.
Samantala, hindi pa naglalabas ng arrest warrant ang 6th division sa kasong illegal use of public funds laban kay Sen Jv Ejercito, Vice Mayor Francis Zamora at iba pa.
Ireresolba pa ng korte ang motion for judicial determination of probable cause na inihain ng mga akusado.
(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)
Tags: mga armas ng San Juan City, Sandiganbayan, Sen. JV Ejercito