Sen. Jinggoy Estrada, pinayagan ng Sandiganbayan na makalabas ng PNP custodial center

by monaliza | March 16, 2015 (Monday) | 1427

JINGGOY ESTRADA 031615

Pinagbigyan ng Sandiganbayan na makadalo si Sen. Jinggoy Estrada sa graduation rites ng kanyang anak bukas sa San Juan city.

Kinatigan ng mga mahistrado ng 5th division ng Sandiganbayan ang hiling ni Estrada na pansamantalang makalabas bukas ng PNP custodial center upang makapunta sa high school graduation ng kanyang anak na si Julian Estrada sa OB Montessori sa Greenhills, San Juan city.

Hinihiling sana ng senador na makalabas ng detention facility mula 1:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi ngunit hindi pinahintulutan ng anti-graft court ang ganitong kahaba na oras.

Sa halip, sa mismong oras lamang ng graduation mula 2:00 hanggang 5:00 ng hapon ang ipinahintulot ng korte.Naghain ng oposisyon ang prosekusyon ngunit isinantabi ito ng mga mahistrado at sinabing ang desisyon ng korte ay hindi para kay Sen. Estrada.

Bagkus ayon kay Justice Roland Jurado, iniisip nila ang kapakanan ng anak nito na nagnanais na makasama ang kanyang ama sa araw ng kanyang pagtatapos.

Ipinagutos naman ng korte sa PNP ang seguridad ng senador sa paglabas at pagbalik nito sa PNP custodial center. (Joyce Balancio/UNTV News Correspondent)