Sen. Jinggoy Estrada, may paglilinaw sa pahayag ukol sa K-dramas

by Radyo La Verdad | October 20, 2022 (Thursday) | 5300

May paglilinaw si Senator Jinggoy Estrada tungkol sa kanyang naging pahayag na ikinokonsidera niya nang ipanukala ang pag-ban ng K-Dramas at foreign films sa Pilipinas.

Ayon sa senador, nag-ugat lamang ang kanyang pahayag sa kanyang frustration.

Aniya habang masyadong sabik at handa ang mga Pilipino na ipagdiwang ang entertainment industry ng South Korea, napababayaan naman ng ating mga kababayan ang sarili nating industriya dahil sa kawalan ng suporta.

Umaasa ang senador na kung papaano kamasigasig ang mga Pilipino sa pagtangkilik sa mga foreign artist, ay gayundin ang ipakitang suporta sa homegrown talents ng bansa na aniya’y maituturing ding pang-world class.

Ayon sa senador, wala siyang laban sa tagumpay ng South Korean entertainment, pero sana naman ay huwag kalimutan at balewalain ng ating mga kababayan ang pinaghirapan at likha ng mga kapwa nating Pilipino.

Umani ng batikos ang senador lalo na mula sa Korean drama fans, nang sabihin nito sa budget hearing ng film development council of the Philippines noong Martes, Oct. 18, na pinag-iisipan niyang ipanukala na i-ban na ang pagpapalabas  ng foreign films o drama, gaya na lamang ng mga sikat na Korean dramas sa Pilipinas.

Tags: , ,