Naniniwala si Senator Jinggoy Estrada na mapagbibigyan ng Sandiganbayan ang kaniyang hiling na makapagpiyansa sa kasong plunder dahil wala pa ring ipinapakitang matibay na ebidensya laban sa kanya ang prosekusyon
Kanina, muling sumalang sa cross examination si Orlando Negradas sa pagpapatuloy ng bail hearing ng Senador.
Inihayag ng Anti-Money Laundering Council bank officer na isa sa mga nag-imbestiga sa bank accounts ni Estrada, na ang request letter na nanggaling sa Office of the Ombudsman ang nagtulak sa kanilang imbestigahan ang mga transaksyon sa bangko ng Senador.
Ayon sa kampo ng Senador, ang sagot ng testigong ay nagpapatunay lang na wala naman talagang suspicious transactions sa bank accounts ni Estrada.
Iginiit pa nito na ang kaniyang pananalapi ay nanggaling sa legal na pinagkakakitaan.
Naniniwala rin si Estrada na mapapawalang-sala siya sa mga kasong isinampa laban sa kaniya bagaman nababagalan siya sa pag-usad nito.
Nagsumite rin ng komento si Estrada sa korte at nagbabala sa prosekusyon dahil sa pag-akusa sa Senador ng pagde-delay sa pagdinig ng kaso.
Ayon kay Estrada, ginagawa niya ang lahat ng paraan para sa mas mabilis na pag-usad ng bail hearing upang makapagbigay na rin ng resolusyon ang korte sa kaniyang pagkakapiit sa PNP Custodial Center. ( Rosalie Coz / UNTV News )
Tags: Anti-Money Laundering Council, Senator Jinggoy Estrada