Sen. Hontiveros, muling binuweltahan ni Sec. Aguirre kaugnay sa isyu ng pagtatago ng mga testigo

by Radyo La Verdad | October 4, 2017 (Wednesday) | 11412

Muling binanatan ni Justice Secretary Vitallano Aguirre II si Senator Risa Hontiveros kaugnay sa umano’y pagtatago nito sa iba pang mga testigo sa kaso ng pagpatay kay Kian Delos Santos, Carl Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman.

Ayon kay Aguirre, ito ang dahilan kung bakit bumabagal ang pagkamit ng hustisya sa pagkamatay ng mga biktima.

Ayon sa kalihim, kung nais ng mambabatas na maisawalat ang katotohanan, hindi nito dapat itinatago ang mga testigo sa kaso.

Aminado rin ang Public Attorneys Office na nahihirapan silang idepensa ang kaso, dahil sa umano’y pangugulo at pakikialam ng ilang personalidad.

Samantala, inilunsad ng Citizen National Guard ang Save the Nation Movement. Layon ng grupo na hikayatin ang publiko na suportahan ang mga kampanya, programa at pagbabagong isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Isinusulong rin ng grupo ang paglaban sa alinmang mga hakbang na anila’y sisira sa bayan gaya ng terrorismo,rebelyon paglaganap ng iligal na droga, at iba pang mga banta sa seguridad ng bansa.

Binubuo ang grupo ng samahan ng mga retiradong sundalo at mga kababayan nating muslim na kaisa sa mga kampanya ng Pangulo.

Suportado naman ng DOJ at PAO ang hakbang na ito ng Citizen National Guard.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,