Dumulog na sa Korte Suprema si Sen.Grace Poe upang iapela ang ginawang pagkansela ng COMELEC sa kanyang Certificate of Candidacy.
Dalawang magkahiwalay na petisyon ang inihain ng abogado nito at hiniling na baliktarin ang mga desisyon ng COMELEC sa isyu ng kanyang residency at citizenship.
Sa resolusyong inilabas COMELEC en banc noong nakaraang Martes, kinasela ang CoC ni Poe dahil hindi umano nagtapat ang senadora sa ibinigay nitong mga impormasyon.
Kulang din umano sa residency requirement na sampung taon si Poe at hindi ito natural born citizen, na parehong kinakailangan upang makatakbo sa pagka pangulo ng bansa.
Ngunit ayon sa kanyang abogado, nagmalabis sa kanilang kapangyarihan ang COMELEC dahil hindi kinonsidera ang isinumite nilang mga dokumento at ebidensiya.
Nahihiwagaan din sila dahil inilabas ng COMELEC ang desisyon kung kailan walang pasok ang Korte Suprema at hindi sila agad makakapaghain ng apela.
Bagamat walang sesyon sa ngayon ang Supreme Court en banc, may kapangyarihan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na maglabas ng tro sang ayon sa panuntunan ng mataas na hukuman.
Dalawang tro ang kinakailangan nilang makuha upang mapigilan ang pagpapatupad sa mga desisyon ng COMELEC.
Hindi umano titigil ang kampo ng senadora hanggat hindi nakakakuha ng TRO dahil napakahalaga ng kasong ito.
Pakiusap nila sa COMELEC, hintayin ang magiging aksyon ng Korte Suprema ngayong nakapaghain na sila ng apela.
Hiniling rin nila na magkaroon ng Special en banc session ang Korte Suprema upang matalakay ang kaso.
Nilinaw ng kampo ni Senador Poe na hindi pa disqualified si Sen. Poe at nananatili itong kasama sa listahan ng mga kandidato sa pagka pangulo.
(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)
Tags: COMELEC, magkahiwalay na petisyon, nagsampa, pagkansela, Sen. Grace Poe, Supreme Court