Sen. Grace Poe, kwalipikadong tumakbo bilang pangulo ng bansa ayon sa Korte Suprema

by Radyo La Verdad | March 8, 2016 (Tuesday) | 1670

THEODORE-TE
Nagbotohan na ang Korte Suprema sa kanilang desisyon sa disqualification case ni Senador Grace Poe at ang resulta, pinapayagan si Senador Poe na tumakbo bilang pangulo ng bansa.

Ayon sa tagapagsalita ng Korte Suprema na si Atty Theodore Te, nanaig sa botohan kanina ang mga mahistradong pumapayag na makatakbo si Poe sa darating na halalan.

Pinangunahan ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang mga bumoto upang ipawalang-bisa ang pagkansela ng comelec sa kandidatura ni Poe;kasama niyang bumuto pabor sa desisyon sina Justice Presbitero Velasco, Jr. Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Jose Perez, Jose Mendoza, Marvic Leonen, Francis Jardeleza, at si Justice Alfredo Benjamin Caguioa.

Anim na mga mahistrado naman ang bumoto upang idiskwalipika si Poe.

Ang mga ito ay sina Senior Associate Justice Antonio Carpio, at sina Justices Teresita Leonardo-De Castro, Arturo Brion, Mariano Del Castillo, Bienvenido Reyes at Estela Perlas-Bernabe.

Ayon naman sa mga nagpetisyon upang madiskwalipika si Poe, magsasampa sila ng motion for reconsideration sa desisyon ng mataas na hukuman.

Ayon sa abogado ni dating Senador Kit Tatad, mapanganib ang desisyong ito ng Korte Suprema at magdudulot ito ng kaguluhan.

Ikinagulat naman ito ni Atty Estrella Elamparo kahit pa may mga naririnig na umano niya na ganito ang magiging desisyon sa kaso.

Ayon naman kay Dr Antonio Contreras, susubukan niyang igalang ang desisyon ngunit hindi umano niya ito matatanggap.

Para naman kay dating Law Dean Amado Valdez, posibleng may nagawang paglabag sa saligang batas ang Korte Suprema sa kanilang desisyon.

Wala pang detalye sa ngayon sa hatol ng Korte Suprema sa isyu ng citizenship at residency ni Poe.

Batay sa panuntunan ng Korte, may labinlimang araw ang Comelec at ang mga nagpetisyon laban kay Poe upang maghain ng motion for reconsideration at subukang mabago ang desisyon ng Korte Suprema.

(Roderic Mendoza/UNTV NEWS)

Tags: ,