Sen. Gatchalian, nanawagan sa OWWA na bumuo ng reintegration plan para sa mga repatriated OFWs mula Kuwait

by Radyo La Verdad | February 14, 2018 (Wednesday) | 2123

Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA na bumuo ng komprehensibong reintegration plan para sa mahigit sampung libong Overseas Filipino Workers na ma-rerepatriate mula sa Kuwait.

Layon nito na matulungan ang mga manggagawang magbabalik-Pilipinas na makahanap ng panibagong trabaho, makakuha ng karagdagang edukasyon o skills training at mabigyan ng access sa mga kailangang social services.

Nangako naman ang senador na susuportahan ang pagpapasa ng supplemental budget para sa reintegration program kung kakailanganin.

Wala nang nakikitang dahilan si House Speaker Pantaleon Alvarez para muling ipagpaliban ang barangay at Sanggunian Kabataan elections na nakatakda sa Mayo.

Pero dahil may naghain ng panibagong panukala para ito ay ipagpaliban, ayon kay Alvarez ipinauubaya na niya ang desisyon sa mayorya ng mga miyembro ng Kamara. Wala aniya siyang magagawa kung boboto pabor sa pagpapaliban ng halalan ang karamihan sa mga kongresista.

Sa botong 193-6, pasado na sa third and final reading sa mababang kapulungan ng kongreso ang House Bill 6775 o ang panukalang pagbuo ng Department of Human Settlements and Urban Development.

Batay sa panukala, pag-iisahin sa naturang kagawaran ang Housing and Urban Development Coordinating Council o HUDCC at ang Housing ang Land Use Regulatory Board o HLURB.

Layon ng panukalang batas na mabigyan ng disente at murang pabahay ang mga pamilyang Pilipino.

 

( Victor Cosare / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,