Sinampahan na rin ng reklamong kriminal sa Department of Justice si Sen. Leila de Lima dahil sa umano’y paglabag nito sa Article 150 ng revised penal code o inducing disobedience to a summon.
Kaugnay ito ng umano’y payo ni de Lima kay Ronnie Dayan na huwag dumalo sa pagdinig ng House Committee on Justice sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison.
Ginamit na basehan ng reklamo ang text message ng senadora sa anak ni Dayan na si Hanna Mae kung saan sinabi umano nito na magtago na lang muna dahil pagpipyestahan lamang siya kapag dumalo sa pagdinig ng Kongreso.
Parusang pagkakakulong ng isa hanggang anim na buwan at multang 200 hanggang 1,000 pesos ang parusa sakaling mapatunayan ang akusasyon laban kay de Lima.