METRO MANILA, Philippines – Sa isang pahayag na lamang ipinaabot ng nakakulong na si Senator Leila De Lima ang pasasalamat sa limang U.S. Senators na nanawagan sa pamahalaan na siya ay palayain.
Sabi ni De Lima, sa halip na ituring na pakikialam, dapat maintindihan ng mga kritiko na nais lamang ng mga Senador na Amerikano na igiit ang kanilang pakikipaglaban para sa hustisya, human rights at demokrasya.
Sa isang resolusyon, kinondena nina U.S. Senator Marco Rubio, Edward Markey, Richard Durbin, Marsha Blackburn at Chris Coons ang pag-aresto sa human rights defenders at political leaders sa ilalim ng kasalukuyang Administrasyon.
Tinagurian ng mga ito na prisoner of conscience si De Lima na ikinulong umano dahil sa kaniyang politikal na paniniwala at kalayaan na magpahayag.
Bukod dito hinimok din ng mga ito ang pamahalaan na iurong na ang kaso laban kay Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa at siguruhin ang kalayaan sa pamamahayag
Pero ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, tila nabigyan ng maling impormasyon ang mga Senador dahil pareho lamang umanong nakasuhan sina Ressa at De Lima dahil sa paglabag sa mga batas ng bansa at ngayon ay parehong sumasailam sa patas na paglilitis sa korte.
Wala rin umanong kinalaman sa kaso ng mga ito ang human rights at freedom of the press dahil hanggang ngayon naman ay patuloy pa rin ang pag-atake ng dalawa sa pamahalaan. Ang media na nga aniya sa Pilipinas ang maituturing na pinakamalaya sa ating rehiyon.
Parinig naman ng palasyo, ‘mind your own business’ na lang dapat ang mga banyagang mambabatas at intindihin na ang sarili nilang problema.
“Well as I have said, I issued a statement on that. It’s an outrageous intrusion to our sovereignty. They have no business dictating on us on what are we going to do with suspected criminals in this country,” ani Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson.
Kasalukuyang nililitis si De Lima sa apat na kaso ng paglabag sa comprehensive dangerous drugs act of 2002 dahil sa pakikipagsabwatan umano nito na magbenta ng iligal na droga.
Si Resa naman ay nahaharap sa mga kasong libelo at paglabag sa anti-dummy law.
(Mai Bermudez | UNTV News)
Tags: Rappler CEO Maria Ressa, Sen. Leila De Lima, US Senators