Sen. De Lima, iginiit na hindi si Colangco ang lalaking kasama niya sa viral video

by Radyo La Verdad | July 17, 2016 (Sunday) | 2235

BRYAN_DE-LIMA
Itinanggi ni Senator Leila de Lima na nakasama niya sa isang pagtitipon noong nakalipas na taon si Herbert Colangco na isang convicted bank robber at sinasabing drug lord.

Ang pahayag ni De Lima ay kaugnay ng kumakalat na isang viral video sa social media kung saan makikita na may katabi siyang lalaki na naka-shades na sinasabing si Colangco.

Kinumpirma naman ng senadora na kuha ang naturang video sa kanyang kaarawan noong August 27, 2015 na ginanap sa quadrangle ng Department of Justice o DOJ.

Pero iginiit ng dating Justice Secretary na hindi si Colangco ang lalaking naka-salamin sa video, kundi si Quezon City Rep. Alfred Vargas, na isa sa kanyang mga panauhin.

Nauna nang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Colangco bilang isa sa top drug lords sa Pilipinas, kasama sina Peter Lim at Peter Co.

Una nang naghain ng isang resolusyon sa Senado si De Lima na layong paimbestigahan ang tumataas na bilang ng pagpatay sa mga sangkot sa ilegal na droga.

(UNTV RADIO)

Tags: , ,