Tinawag na ‘biased’ o hindi patas ng kampo ni Senadora Leila De Lima ang judge na humahawak ng isa sa kaniyang mga kasong may kinalaman sa iligal na droga.
Sa kanilang motion to inhibit, inakusahan ng nakaditeneng mambabatas si Muntinlupa RTC Branch 206 Judge Lorna Navarro Domingo ng ‘premature’ o maagang pagdedesisyon at hindi pagpabor sa kanilang apela na i-disqualify ang 13 testigo ng prosekusyon na pawang convicted criminals at wala umanong kredibilidad. Ni hindi man lang umano sila noon nabigyan ng pagkakataon na sumagot sa pagtutol ng DOJ sa kanilang kahilingan.
Maging sa inihain nila noong ‘motion to vacate’ ay inakusahan umano sila ng late filing gayong tinanggap pa ito ng mga staff ng korte.
Ayon naman sa prosekusyon, maghahain sila ng oposisyon sa hiling na ito ng kampo ni De Lima. Normal umano na may mga pagkakataong papabor o hindi papabor ang korte sa isang litigante.
Gayunpaman ay wala pa ring nagiging desisyon ang hukom hinggil sa hiling ng kampo ng senadora. Itinakda naman ng korte ang susunod na pagdinig sa ika-6 ng Nobyembre.
Nag-ugat ang kaso sa umano’y pakikipagsabwatan ng noo’y justice secretary na si De Lima sa mga drug lord sa New Bilibid Prison upang magbenta ng iligal na droga.
Matatandaang nitong Enero ay nag-inhibit din si Judge Juanita Guerrero na unang nagpa-aresto sa senadora.
( Mai Bermudez / UNTV Correspondent )