Pormal nang naghain ng election protest si Senador Bongbong Marcos upang kwestyonin ang pagkapanalo ni incoming Vice President Leni Robredo sa nakaraang halalan.
Hinihiling ni Marcos sa Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal na ibalewala ang resulta ng halalan sa mga lalawigan ng Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur dahil dati na umanong may shade ang mga balotang ginamit doon.
Umaabot sa isang milyong boto ang pinaglalabanan sa naturang mga lalawigan.
Hinihiling din ni Marcos magkaroon ng manual recount o muling bilangin ang mga boto sa dalawampu’t dalawang lalawigan at sa mga lungsod ng Bacolod, Iloilo, Cebu, Lapu-Lapu at Zamboanga.
Sakop nito ang mahigit 36-thousand na presinto na mayroong mahigit walong milyong boto.
Bukod sa tinatawag na undervotes sa mga lugar na ito, mismong mga election officer ng COMELEC umano ang tumestigo na nagkaroon ng sari-saring mga anomalya.
Pinaiimbestigahan din ng kampo ni Marcos ang tinatawag na queue server na dinadaanan umano ng resulta ng halalan mula sa presinto bago makarating sa municipal at provincial board of canvassers.
Hinala ng kampo ni Marcos, posibleng nagamit ang queue server na ito upang manipulahin at impluwensyahan ang resulta ng halalan.
Ayon naman kay Marcos, hintayin na lamang na lumabas sa gagawing imbestigasyon kung sino ang dapat managot sa anila’y dayaan sa nakaraang halalan.
Para naman kay Robredo, mas mabuti nang naghain ng pormal na protesta si Marcos upang masagot nila nang maayos ang mga alegasyon ng kampo nito.
(Roderic Mendoza/UNTV Radio)