Nagbitiw na kahapon sa pwesto bilang Senate President si Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel.
Ayon sa outgoing Senate President, ang pagpapalit ng liderato ay hindi makakaapekto sa pagpapasa ng mga prayoridad na panukalang batas ng administrasyon.
Sa sesyon kahapon, ininomina ni Pimentel si Senate Majority Leader Vicente Sotto III, bilang bagong Senate President.
Nag-abstain lang ang minority senators at ang mayorya ay bumoto pabor kay Senator Sotto. Agad na nanumpa si Senator Sotto na sinaksihan naman ng kaniyang pamilya.
Si Senator Juan Miguel Zubiri naman ay nahalal at nanumpa na rin bilang bagong majority leader at batay sa panuntunan ng Senado, siya na rin ang magiging chairman ng Senate Committee on Rules.
Tiniyak naman ni Senator Zubiri na patuloy na susuportahan ang pagsusulong ng mga mahahalagang panukalang batas ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
Nalipat naman kay Senator Pimentel ang iniwang komite ni Senator Zubiri, ang Senate committee on trade commerce and entrepreneurship.
Hiling naman ni House Speaker Pantaleon Alvarez na sana ay mas marami pang mga panukalang batas ang maipasa sa mga susunod na araw kasama na ang mga priority bills ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Pinuri naman ng Malakanyang ang mga naiambag ni outgoing Senate President Pimentel sa lehislatura ng bansa.
Labinsiyam na taon na ring nagsisilbi bilang senador si Sotto at nagpasa ng ilang mahahalagang panukala tulad ng pagtatatag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at family courts.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )
Tags: Sen. Aquilino Pimentel III, Senate President, Senator Sotto