Mananatili sa kustodiya ng Senado si Senator Antonio Trillanes IV, kasunod ng utos na arestuhin ito.
Nanindigan si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi pwedeng arestuhin ng PNP-CIDG si Trillanes habang nasa loob ito ng Senado.
Maghahain naman ng petisyon sa Korte Suprema si Trillanes upang kuwestiyonin ang pagpapawalang-bisa sa amnestiya na ibinigay sa kanya ng nakaraang administrasyon.
Sa bisa ng Proclamation Number 572 na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, ipinawalang-bisa ang amnestiya kay Trillanes dahil hindi ito nakasunod sa requirements, kabilang na ang pag-amin sa kanyang kasalanang nagawa noong 2003 Oakwood mutiny at 2007 Manila Peninsula siege.