Isang resolusyon ang ipinasa ng Davao City Council na nagdedeklarang persona non grata sa lungsod ng Davao si Senator Antonio Trillanes IV.
Ito ay matapos magbitaw ng salita ang senador sa isang press conference sa Chicago na “The most dangerous city” sa buong Pilipinas ang Davao City.
Ayon sa kay Davao City Vice Mayor Bernard Al-Ag, mali ang turing ng senador sa lungsod lalo’t nakatanggap nito ang “Seal of Good Governance” award mula sa Department of the Interior and Local Government noong 2011 at 2015.
Pero ayon kay Trillanes, ang inilabas na datos ng PNP noong 2015 ang kaniyang pinagbatayan para sabihing ang Davao City ang may pinakamataas na kaso ng murder at pumapangalawa sa may pinakamaraming kaso ng rape.
Aniya maaring alam ito ng mga taga Davao at hinahayaan lang dahil sa takot o pinaniwala lang ang mga ito na ang Davao City ang safest city in the world.
Pagbati naman sa Davao City ang ipinaabot ng Malacañang kaugnay sa naging deklarasyon laban sa senador.
( Janice Ingente / UNTV Correspondent )