Kahapon pa inaabangan ang desisyon ng Makati Regional Trial Court Branch 148 sa hiling ng Department of Justice (DOJ) na ipaaresto at pigilang makaalis ng bansa si Senador Antonio Trillanes IV. Pero walang inilabas na resolusyon si Judge Andres Bartolome Soriano hanggang magsara ang korte.
Nagsadya rin sa korte ang hepe ng Makati police at ang ilang tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang humingi ng update hinggil sa kaso ni Trillanes.
Handa naman si Trillanes anoman ang maging desisyon ng Makati RTC Branch 148 na humawak noon sa kanyang kasong kudeta kaugnay Oakwood mutiny noong 2003.
Nakapagligpit na rin umano siya ng ilang gamit kung sakaling magtutuloy-tuloy ang pagpapakulong sa kaniya. Pero umaasa pa rin ang senador na magiging patas ang hukuman sa desisyon nito.
Sa ngayon, walang nakikitang mabigat na dahilan ang kampo ni Trillanes upang iapela sa Korte Suprema ang inilabas na arrest warrant ng Makati RTC Branch 150, lalo’t nakapagpyansa naman ito sa binuhay na kasong rebelyon kaugnay ng Manila Peninsula seige noong 2007.
May labinlimang araw pa si Trillanes upang maghain ng motion for reconsideration sa kautusan ni Judge Elmo Alameda at magpupulong pa aniya kaniyang mga abogado tungkol dito.
( JL Asayo / UNTV Correspondent )
Tags: CIDG, DOJ, Sen. Antonio Trillanes IV