Sen. Antonio Trillanes, hihiling ng TRO sa Korte Suprema laban sa pagbawi sa kaniyang amnestiya

by Radyo La Verdad | September 5, 2018 (Wednesday) | 13214

Nananatiling nasa loob ng kaniyang opisina sa Senado si Senator Antonio Trillanes IV at patuloy na pinag-aaralan ang mga susunod na hakbang upang kontrahin ang banta ng pag-aresto sa kaniya dahil sa pagbawi sa kaniyang amnestiya.

Ayon sa senador, aakyat na sila sa Korte Suprema upang kwestyunin ang proklamasyon ni Pangulong Duterte na pagbawi sa kaniyang amnestiya.

Ipinakita rin ng senador ang kopya ng naging desisyon ng Regional Trial Court (RTC) sa kasong rebelyon at kudeta na umano’y dinismiss ng korte.

Para sa ilang mga senador, may mga kwestyong ligal sa revocation ng amnesty maging sa muling pagbuhay ng kaso ni Senator Trillanes.

Pero ayon kay Senate President Vicente Sotto III, mas mabuting ipaubaya na lang ito sa Korte Suprema.

Nananatili namang nasa labas ng gusali ng Senado ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Ang ilan sa mga senador ay kinuwestiyon na ang presensya ng mga ito.

Nagtataka si Senator Ralph Recto kung bakit nasa labas pa rin ang mga pulis gayong wala naman aniya siyang nakikitang dahilan upang arestuhin si Senator Trillanes.

Wala namang nakikitang problema dito ang Senate President. Magpapalabas na lamang aniya siya ng isang memorandum upang hindi maabuso ang pagbabantay ng mga pulis at militar sa labas ng gusali.

Ilan sa mga supporter naman ng senador ay pumunta rin sa Senado.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,