Sen. Alan Cayetano hinihiling sa Ombudsman na suspendihin sina DOTC Sec. Abaya, MIAA GM Honrado at iba pa, dahil sa tanim bala isyu

by Radyo La Verdad | November 4, 2015 (Wednesday) | 2872

CAYETANO
Naghain ng reklamo sa Office of the Ombudsman si Senate Majority Leader Alan Peter Cayetano laban sa mga airport official at pinuno ng ilang ahensya ng pamahalan dahil sa tanim bala modus operandi sa NAIA.

Kasama ni Cayetano ang mga kinatawan ng Volunteers Against Crime and Corruption at Network of Independent Travel Agents na nanawagan na papanagutin ang mga opisyal dahil marami nang pasahero ang nabibiktima ng tanim bala.

Ayon kay Cayetano dapat masampahan ng kasong administratibo sina DOTC Sec. Emilio Abaya, Manila International Airport Authority General Manager Jose Angel Honrado, Office of Transportation Security Administrator Roland Recomono at PNP Aviation Security Group Dir. Pablo Francisco Balagtas.

Base sa Executive Order 226 nagkaroon ng neglect of duty ang mga nasabing opsiyal dahil sa usapin ng command responsibilty .

Paliwanag ni Sen. Cayetano, bagaman ilang beses na aniya nangyari ang insidente ng tanim bala sa airport, wala aniyang corrective at preventive measures na isinagawa ang mga opisyal.

Hinihiling din ni Cayetano na isailalim sa preventive suspension ang mga nasabing opisyal o kaya ay tanggalin na sa puwesto kapag napatunayan sa imbestigasyon na nagpabaya sila sa kanilang trabaho.

Nitong nakalipas na mga araw maraming pasahero na paalis ng bansa ang nabiktima ng tanim bala sa kanilang mga bagahe sa NAIA.

Kabilang sa mga nabiktima ang kliyente ni Atty. Spocky Farolan na si Nanay Gloria Ortinez na umano’y nataniman ng bala sa pagitan ng Laoag Airport at NAIA Terminal 2 nito lamang nakaraang linggo.

Ngunit pinalaya rin si Nanay Gloria matapos na makita na magka-iba ang uri ng bala na nasa larawan at iprinisinta sa piskalya.

Tumatanggi rin umano na magbigay ng kopya ng cctv footage ang airport officials upang masuri ng kampo ng biktima

Kasalukyang nasa Kuala Lumpur, Malaysia si DOTC Sec. Abaya at hindi pa nagbibigay ng pahayag ukol sa reklamo.

Samantala sinabi naman ni MIAA Gen. Manager Angel Honrado na karapatan nila Cayetano na maghain ng reklamo at hindi na nagbigay pa ng ibang pahayag. ( Joyce Balancio / UNTV News)

Tags: , , , ,