TSALN Muna Bago TSONA, ito ang naging banat ni Sen. Alan Peter Cayetano sa isinagawang SONA Ni Vice President Jejomar Binay sa Cavite kahapon.
“Bago sana siya naglabas ng tinatawag niyang True SONA, sana ay naglabas muna ang bise presidente ng kaniyang True SALN,” pahayag ng senador.
Tumagal ng 42 minuto ang naging talumpati ni Binay, kung saan ito ay kinapalooban ng iba’t-ibang pambabatikos sa administrasyon.
Sa pahayag ni Cayetano, nagtataka siya kung bakit sinabi ni VP Binay na matapos ang limang taong paglilingkod ng Presidente ay marami pa rin ang naghihirap at wagas na nangungurakot, samantalang si Binay ay hindi pa sinasagot ang isyu ng korupsyon laban sa kaniya at sa kaniyang pamilya.
Payo pa ni Cayetano kay Binay na patunayan muna niyang hindi totoo ang mga bintang laban sa kaniya tulad ng overpricing sa paggawa ng Makati Ciity Hall Building II at Makati Science High School Building.
Inulit din ni Cayetano na dapat ipaliwanag ni Binay ang discrepancy sa kaniyang SALN na batay sa datos ay meron siyang P38.843 million cash on hand bukod pa sa kaniyang bank accounts.
Ngunit batay sa mga testimonya ng mga naging witness sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee at ilan pang documentary evidences, lumalabas na si Binay ay may P600 million na idineposito sa iba’t-ibang bank accounts na pagmamay-ari niya at nakapangalan sa iba pa na umano’y tumatayong dummies nito.
Idinagdag din ni Cayetano na ginagamit lamang ni VP Binay ang mga isyu sa administrasyon upang maibaling sa iba ang atensyon ng mga tao at hindi sa alegasyon ng korupsyon na ipinupukol laban sa kanya.(Meryll Lopez/UNTV Radio)