METRO MANILA –Maaaring gawing mag-isa ang nasopharyngeal o oropharyngeal swab collection sa pamamagitan ng self-administered COVID-19 test kits.
“Kapag po nasal, galing lamang po ito sa harapan o kaya hanggang gitnang bahagi ng ilong na maaaring kunin sa sarili o kung sa may kapansanan o sa mga bata ay maaaring kunin ng isang nakakatanda,” ayon kay Research Institute for Tropical Medicine (RITM) Laboratory Chief Armando Tandoc III.
May iba ring test kits na laway ang kinakailangan. Dagdag pa ng opisyal, mayroong mga panutong nakalagay sa mismong kits kung paano isasagawa ang tests.
Una ng sinabi ng Department of Health (DOH) na maglalabas sila ng guidelines hinggil sa tamang paggamit ng self-administered o home test kits.
Aprubado na ng Food and Drug Administration (FDA) ang 2 test kits, ang isa ay ang “Panbio Covid-19 Antigen Self-Test” ng Abbott na mayroong boxes na naglalaman ng 1, 4, 10, at 20 tests at ang isa naman ay “SARS-CoV-2 Antigen Rapid Test” ng Labnovation na mayroon namang boxes na naglalaman ng 2, 5, at 20 tests.
Dagdag pa ni Tandoc na dapat ay basahin at sunding maigi ang mga panuto na kasama ng tests dahil maaaring makaapekto ito sa accuracy ng test kung hindi masunod ng maayos ng magsasagawa ng self-tests.
(Ritz Barredo | La Verdad Correspondent)
Tags: COVID-19 TEST KITS