Seguridad sa Mindanao paiigtingin ng AFP kasunod ng pagkakapaslang sa 3 suicide bombers sa Sulu

by Erika Endraca | November 7, 2019 (Thursday) | 33343

METRO MANILA – Magpapatupad ng mas mahigpit na seguridad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao kasunod ng pagkakapaslang sa 3 suicide bombers sa Indanan, Sulu.

Ayon kay AFP Wesmincom Chief Lieutenant General Cirilo Sobejana, bahagi ng gagawing security adjustment ang mahigpit na checkpoint operations at ang pagsasagawa ng foot patrol sa iba’t ibang lugar sa mindanao.

Ayon kay Sobejana, hindi nila isinasantabi ang posibilidad na plano ng ilang miyembro ng teroristang grupo sa bansa na gumawa ng panggugulo matapos masawi sa isang operasyon ng U.S. Forces ang ISIS leader na si Abu Bakr Al-Bagdhadi. Pinawi naman ng PNP ang pangamba ng publiko sa sunod-sunod na suicide bombing incident sa bansa.

Aniya, kontrolado ng PNP at AFP ang sitwasyon sa Mindanao kaya’t walang dapat ikabahala. Ayon sa mga otoridad dahil sa pagkakapatay sa 3 suicide bomber napigilan ang tangkang

pagpapasabog sa Metro Jolo.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: ,