Seguridad sa Marawi City, paiigtingin pa para sa brgy. at SK elections sa ika-22 ng Setyembre

by Radyo La Verdad | September 6, 2018 (Thursday) | 3473

Matapos ang magkasunod na pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat, mas hihigpitan pa ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP) ang ipinatutupad na seguridad sa Marawi City lalo na at sa ika-22 ng Setyembre na ang barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa lugar.

Ayon sa Comelec, sa ika-12 ng Setyembre ma-isasapinal na ang security plan para dito.

Nakapaloob dito ang pagdaragdag ng security personnel ang Comelec sa bawat clustered precinct bilang kahandaan sa anomang security threat.

Ang mga ito ay maaaring makakapag-duty kung sakaling magkaproblema ang mga volunteer teachers sa halalan.

Sa ngayon, may 24 na barangay na nasa ground zero sa Marawi City ang hinahapan pa ng Comelec ng ibang lugar upang pagdausan ng halalan.

Ayon kay Comelec Spokesperson Dir. James Jimenez, kumpiyansa ang Comelec na hindi magkakaroon ng failure of elections sa Marawi City bagaman nasa high security risk ang naturang lungsod.

Politically-active aniya ang mga residente doon at sabik silang makapaghalal ng mga opisyal na mangunguna sa kanilang mga barangay matapos ang dalawang beses na pagpalaliban ng halalan.

Samantala, natapos na kahapon ang pag-imprenta sa 76,384 brgy. at SK official ballots na gagamitin sa syudad.

Pagkatapos ng pag-imprenta ay susuriin na ng verification committee ng National Printing Office ang serial code ng mga balota.

Nakatakda naman ang shipment ng mga ito sa susunod na linggo.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,