Seguridad sa Malacañang Complex, hinigpitan

by Radyo La Verdad | May 2, 2018 (Wednesday) | 2667

Naka-heightened security o red alert status ang Presidential Security Group (PSG) sa Malacañang Complex dahil sa mga kilos-protestang isinagawa sa Mendiola.

Kaugnay nito, ilang Malacañang reporters kabilang ang UNTV sa panandaliang hinarang sa Malacañang gate sa JP Laurel St. at pinigilang makapasok sa compound kahapon ng umaga.

Maging ang mga mamamahayag ng state run People’s Television Network ay hinarang din.

Ayon sa PSG, nagkaroon ng hindi pagkaka-unawaan sa hanay ng mga tauhan nila. Dahil dito, humingi ng paumanhin sa mga tauhan ng media ang PSG.

Matapos namang makipag-ugnayan ng media sa PSG, pinapasok na rin sa new executive building kung saan nakahimpil ang tanggapan ng Malacañang reporters.

Itinanggi naman ng PSG na may hakbang silang pigilan ang malayang pamamahayag.

Una nang hindi pinahihintulutang makapasok sa Malacañang Complex ang Rappler reporter na si Pia Ranada at iba pang reporters ng naturang media organization dahil nawalan ng tiwala si Pangulong Duterte at fake news umano ang mga inilalathala nitong balita.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,