Mas hinigpitan pa ang ipinatutupad na seguridad sa Davao City kasunod ng pagsabog sa isang pampasaherong van sa Ecoland terminal ngayon myerkules.
Ayon kay Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte, dinagdagan na nila ang checkpoints sa boundary ng Davao City upang maiwasan na ang mga katulad na insidente.
Pasado alas-nueve kaninang umaga nang maitala ang pagsabog habang nakaparada ang van na mula pa sa Pikit, North Cotabato.
Mabuti na lamang at nakababa na ang lahat ng pasahero nito bago nangyari ang pagsabog ngunit nasugatan ang driver ng van na si Herman Daab at konduktor na si Alberto Basanez.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Davao City Police, isang improvised explosive device ang ginamit ngunit hindi pa tukoy kung sino ang naglagay nito.
Sinisilip rin nila ang anggulong extortion dahil sa bantang natanggap ng may-ari ng van.
Sa ngayon ay naka-alerto na ang puwersa ng pulisya at militar sa Davao City bunsod na rin ng magkakasunod na insidente ng pagsabog sa Cotabato noong weekend.
Plano rin ng City Government na maglagay ng terminal sa boundary ng lungsod upang hindi na kailangan pang pumasok sa city proper ng mga pampasaherong van mula sa ibang probinsya. (Janice Ingente/UNTV News)
Tags: Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte, North Cotabato, Pikit