Nakakabit na sa mga pangunahing lansangan sa Davao City ang bandera ng bansang Japan para sa inaasahang pagbisita dito ni Prime Minister Shinzo Abe sa Biyernes.
Nakalatag na rin ang seguridad sa kaniyang unang pagdalaw sa syudad.
Dahil isang head of state ang panauhin ng bansa ang presidential security group ang mangunguna sa pagbibigay seguridad sa kaniya.
Isa sa inaasahang pupuntahan ni Prime Minister Abe ang Mintal Elementary School kaya todo na ang pag-aayos sa buong paaralan.
Nakatayo sa paaralan ang isang monumento bilang pag-alaala sa negosyanteng si Ohta Kyozaburo na nagtayo ng Ohta Development Company na siyang nagpatakbo ng unang taniman ng abaka ng mga hapon sa Pilipinas at tumulong din na mapalago ang negosyo ng Japan sa Davao.
Inaasahang bibisitahin din ng pinuno ng Japan ang sementeryo sa Barangay Mintal kung saan nakalibing ang maraming hapon na namatay bago at noong panahon ng digmaan.
Umaasa naman ang Japanese Chamber of Commerce sa Mindanao na lalong mapapalago ang ugnayang pang ekonomiya ng Japan at Pilipinas sa pagbisita ni Prime Minister Abe sa bansa.
(Victor Cosare / UNTV Correspondent)
Tags: nakalatag na, Seguridad para sa pagbisita ni Japanese PM Shinzo Abe sa Davao City