Seguridad para sa nalalapit halalan sa Mayo, nais nang maisaayos ng PNP

by Radyo La Verdad | January 20, 2022 (Thursday) | 7884

Malaking tulong sa Philippine National Police ang listahan ng mga kandidato na inilabas ng Commission on Elections.

Ayon kay PNP Spokesperson PCOL. Rhoderick Augustus Alba, maisasaayos na nila ang mga ipatutupad na seguridad base sa kung sino ang mga magkakalaban sa pulitika sa isang lugar.

“’The release of the official list for the 2022 polls can give a bigger picture sa PNP sa kung sino ang mga dapat na i-monitor. PNP Chief PGEN. Dionardo Carlos said, makatutulong ito para maka-focus ang mga PNP unit sa pagmonitor sa kung sinong mga kandidato ang tatakbo, ang kanilang mga background, relasyon sa kanilang mga kaaway, kung may history of violence sa pagitan nila,” pahayag ni PCOL. Rhoderick Augustus Alba, Spokesperson, PNP.

Sa pamamagitan nito, ngayon pa lamang ay mapipigilan na nila ang mga karahasan at krimen na maaaring sumiklab lalo na kung matindi ang political rivalry sa lugar.

Panawagan  naman ng PNP sa bawat kandidato, iwasan ang karahasan  para sa pagkakaroon ng payapang halalan.

Una nang sinabi ng PNP na mayroon nang 39 na bayan at 7 lungsod sa bansa ang mahigpit nilang tinututukan dahil sa posibleng pagkakaroon ng karahasan ngayong halalan.

Lea Ylagan | UNTV News

Tags: ,