Handa na ang Police Security Protection Group sa ipatutupad na seguridad para sa nalalapit na Asia Pacific Economic Cooperation o APEC summit sa nobyembre.
Pitong libo dalawang daang (7,200) delegado mula sa iba’t-ibang APEC Member Countries ang inaasahang darating sa Pilipinas.
Ayon kay PSPG Spokesperson P/Supt. Rogelio Simon, 800 tauhan ang itatalaga nila bilang close in security ng nasa 44 na Minister sa dalawang araw na event, mula November 18-19.
Bunsod nito, kinakailangan nilang mag pull out ng mga tauhan na naka deploy bilang security aide ng mga VIP.
Sinabi pa nito na kasama ang mga tauhan ng PSPG hanggang sa hotel na tutuluyan ng mga delegado para masiguro ang kaligtasan ng mga ito.
Nasa 16 na hotel sa Metro Manila ang uukupahin ng mga delegado.
Tiniyak ni Simon na sa kasalukuyan ay ang Russia, Australia at Canada pa lamang ang nakikipag ugnayan sa kanila para sa seguridad ng kanilang mga delegado.
Samantala, kinumpirma din ng PSPG na 87 pulitiko ang tatanggalan nila ng security escort simula sa Oktubre dahil sa nalalapit na halalan sa bansa.
Ito’y upang manatiling apolitical ang mga pulis sa panahon ng eleksyon.
Kung sakaling may threat naman sa buhay ng mga pulitiko at nangangailangan ng security escort sa Comelec sila maaaring mag-apply at kung maaaprubahan saka lamang nila ito bibigyan ng mga bantay.
Paliwanag pa ng PSPG, hindi otomatikong ibabalik ang security escorts ng mga pulitiko matapos ang halalan kundi mag-aaply muli ang mga ito ng bago at i-aassess pa kung talagang may banta sa buhay ng mga ito. (Lea Ylagan/ UNTV News)
Tags: Police Security Protection Group, PSPG Spokesperson P/Supt. Rogelio Simon