Security guard na naaksidente sa motorsiklo sa Quezon City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | July 27, 2018 (Friday) | 9483

Nawalan ng malay ang motorcycle rider na ito matapos maaksidente sa southbound ng Commonwealth Avenue malapit sa Mindanao Avenue Extension bandang alas dose y medya kaninang madaling araw.

Agad tumawag ng tulong ang ilang motorista at pulis na nagkataong nagpapatrolya sa nasabing lugar.

Rumesponde naman kaagad ang UNTV News and Rescue Team at naabutang nakadagan sa kaliwang paanan ng lalaking biktima ang minamaneho niyang motor.

Maingat na inalis ng grupo ang motorsiklo na nakadagan sa biktima na kinilala na si Jeffrey Badrina, trenta’y dos anyos, isang security guard.

Nagtamo si Badrina ng sugat sa kanang braso at nagkamalay ito nang maassess ng UNTV Rescue. Nakaramdam din ang biktima ng pagkahilo dahil sa aksidente.

Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV News and Rescue ang mga pinsala ni Badrina.

Samantala, nakuhanan naman ng dash cam ng minamanehong SUV ni Ryan Banzal ang pagkatumba ng rider na posibleng nagmamaneho ng nakainom ang biktima.

Hinatid na lang ng UNTV News and Rescue si Badrina sa bahay nito sa Barangay Regalado matapos tumangging magpadala sa hospital.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,