Security detail ng mga pulitiko at pribadong indibidwal, sinimulan nang bawiin ng Police Security Protection Group

by Radyo La Verdad | January 6, 2016 (Wednesday) | 4593

LEA_RECALL
Sinimulan nang bawiin ng Police Security Protection Group ang kanilang mga tauhan na naka-detail sa mga pulitiko at maging sa mga pribadong indibidwal.

Ito’y base na rin sa COMELEC Resolution Number 10015 kung saan kailangang ipull out na ang mga security aide, 120 days bago ang halalan hanggang 30 days matapos ang election day.

Ayon kay PSPG Director P/CSupt. Alfred Corpus, noong Dec.10, 2015 pa sila nagpadala ng sulat sa mga VIP hinggil sa gagawin nilang pag recall ng kanilang mga security aide hanggang Jan.9.

Ito’y bunsod ng pagsisimula ng election period sa January 10 hanggang June 8, 2016.

Sinabi pa ng heneral na kung nais na mag request muli ng security detail ng mga pulitiko na may banta sa buhay at maging ang mga pribadong indibidwal ay kakailanganin nila ng approval mula sa COMELEC.

Kung may approval na mula sa COMELEC, stanging mga protective agents lamang mula sa mga accredited na protection agency ang itatalaga sa mga kakandidato mula vice governor pababa.

Ang mga pulitiko lamang na hindi tatakbo at ang mga tatakbong governor hanggang presidente ang papayagang magkaroon ng tig dalawang security detail mula sa PSPG bastat may approval mula sa COMELEC.

Ang may 800 security detail para sa 891 na opisyal ay inaasahang magre- report sa PSPG Office sa Lunes, January 11.

Nakatakda naman ang mga itong isalang sa refresher course, seminar at training o pansamantalang itatalaga sa ibang unit na nagbibigay seguridad sa mga vital installation at maging sa COMELEC ngayong election period.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: , , ,