METRO MANILA – Sinimulan na nitong Biyernes, Oct. 22 ang second phase vaccination sa Pediatric A3 o mga menor de edad na may comorbidity sa ilang ospital sa National Capital Region (NCR) na isa sa isinusulong ng Department of Health (DOH), Metro Manila Center for Health Development, National Vaccine Operations Center at ilang LGU sa Metro Manila.
Pinangunahan ang nasabing vaccination ni DOH Undersecretary Roger Tong-an at DILG Undersecretary Jonathan Malaya bilang suporta.
Ilang ospital muna ang pansamantalang binuksan para sa initial phase na may kakayahang agarang tumugon kung magkakaroon ng serious adverse reactions matapos mabakunahan ng ilang bata, tulad ng Cardinal Santos Medical Center, Ospital ng Parañaque at Quezon City General Hospital.
Phasing ang ginawang paraan ng gobyerno sa Pediatric A3 vaccination upang matingnan ang maaaring estratehiya kung sakaling sisimulan na rin ito sa iba pang rehiyon sa bansa.
Ayon kay DOH Undersecretary Tong-an, magkakaroon ng close monitoring sa pagbabakuna sa mga batang may commorbidity para sa posibleng pagkakaroon ng adverse events matapos na maturukan ang mga ito upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Samantala, nadagdagan naman ang listahan ng mga ospital na bubuksan para sa Phase II Vaccination mula sa inisyal na 8 bilang. Ito ay ang:
Caloocan City Medical Center (North and South)
Ospital ng Malabon
Navotas City Hospital
Valenzuela City Emergency Hospital
Marikina Sports Complex
Amang Rodriguez Memorial Medical Center
Quezon City General Hospital
St. Luke’s Medical Center Quezon City
Ospital ng Maynila
Ospital ng Makati
SM Megamall Mega Vaccination Site
Mandaluyong City Medical Center
Cardinal Santos Medical Center
Ospital ng Muntinlupa
Ospital ng Parañaque 1
University of Perpetual Help System Dalta
Pasay City General Hospital
St. Luke’s Medical Center – Global City
Ang pagbabakuna laban Covid-19 ay isa sa paraan upang magkaroon ng mas ligtas at maayos na komunidad lalo na sa mga bata. Maaaring naapektuhan rin ng lockdown dulot ng pandemya ang kanilang pag-iisip dahil di nila nakikita ang kanilang mga kaibigan at kamag-anak. Kung kaya’t hinihikayat ng DOH ang mga magulang na magpalista na upang mabakunahan ang kanilang mga anak, gayun din ang pagsunod sa umiiral na minimum health standards.
Muli rin itong magdala ng requirements sa araw ng pagbabakuna tulad ng medical certificate na may detalye ng comorbidity ng bata, valid ID’s para sa bata at magulang o guardian, at ang pruweba ng filiation gaya ng birth certificate.
(Jeth Bandin | La Verdad Correspondent)
Tags: A3, pediatric vaccination