Sec Piñol: huwag sayangin ang bigas na may bukbok

by Radyo La Verdad | September 3, 2018 (Monday) | 1626

Nagkumpulan ang mga bukbok sa bigas na niluto ni Agriculture Secretary Manny Piñol. Hinugasan ito ng ilang beses ng kalihim hanggang sa humiwalay ang mga bukbok saka ito isinaing.

Sa live telecast ng UNTV News noong Biyernes ay ipinakita ni Secretary Piñol sa publiko ang pagkain nito pati na ng galunggong.

Nilinaw ng kalihim na ang pagkain niya ng binukbok na bigas ay upang ipakita sa publiko na hindi dapat sayangin ito o itapon.

Ngunit iba aniya ito sa kanyang namang posisyon kung ang pag-uusapan ay ang isyu ng imported NFA rice na binukbok.

Nilinaw ni Piñol na hindi pa rin opisyal na naibabalik sa Department of Agriculture (DA) ang pamamahala sa NFA kaya wala sa kanya ang karapatang magdesisyon sa isyu.

Samantala, ipinaliwanag rin ng kalihim na kailangan ng umangkat ng galunggong ng bansa dahil mula Oktubre ay ipagbabawal na ang pangingisda sa ilang karagatan na sakop ng Pilipinas para makapangitlog ang mga ito. Bubuksan din naman aniya ito sa Disyembre.

Hindi aniya ito ang unang pagkakaton na umangkat ng galunggong ang pamahalaan dahil noong 2012 ay umangkat din ang Aquino administration ng 136 thousand metric tons habang sila naman ngayon ay 17,000 metric tons lamang.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,