METRO MANILA, Philippines – Pasado alas-otso y media na ng umaga nang makarating sa gate ng Malacañang sa Jose P. Laurel street si Presidential Spokesperson at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo sa ginawa nitong pagko-commute papasok ng trabaho. Inabot ng halos apat na oras ang biyahe ng opisyal mula kaninang alas 5:15 ng madaling araw.
Naka-apat na sakay ng jeepney si Sec. Panelo dahil nag-roundtrip ito mula sa New Manila, patungong Cubao, pagkatapos at Cubao to Concepcion, Marikina at Marikina to Cubao kung saan siya naabutan ng media.
Ayon sa opisyal, walang problema sa kaniya kung uulitin ang pagko-commute subalit nang tanungin kung kailan gagawin ang naunsyaming pagsakay sana sa LRT, ang sagot ng kalihim…
“Secret, kasi pag nagsabi ka na naman ng yes, problema ko na naman.”
Ayon sa Malacañang official, mag-commute man o hindi, nararanasan ng lahat ang pagdurusa dahil sa mabigat na suliranin sa trapiko sa Metro Manila.
Gayunman, likas na aniya sa mga Pilipinong maka-adopt sa mahirap na sitwasyon at ito ang ibig niyang sabihin nang banggitin na para makarating sa paroroonan ang mga pasahero kailangan gumigising sila ng maaga.
“Tayong mga Pilipino, we’re very creative, malikhain tayo, may problema tayo, ‘di tayo nagngangangawa na pababayaan natin na lamunin tayo ng problema,” ani Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel.
Samantala, nanindigan din itong walang transport crisis kundi traffic crisis ang nararanasan sa kalakhang Maynila.
At gaya aniya ng paninindigan ni pangulong Rodrigo Duterte, imprastraktura ang kinakailangan upang magkaroon ng long-term resolution sa matinding suliranin sa trapiko na mas mabilis sanang magagawa kung naipagkaloob lang agad ang emergency powers na hinihingi nito.
“Tama yung iniisip ni Presidente, ang problema kasi sa atin, yung infrastructure natin, we’re 20 years behind. So that’s why yung kaniyang build-build-build, ‘yun ang solution dun, kailangang i-widen ang roads, kailangang may bagong ruta, kailangang may skyways ka, kailangang bridges na single lane ang lane, kailangang expand, infrastructure talaga ang solution, plus at the same time yung number of cars, kailangang dapat iretiro ang matatanda para mababawasan, malaki ang problema pero the President is doing something about it even deprived of emergency powers,” pahayag ni Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel.
(Rosalie Coz | UNTV News)