Sec. Leila de Lima, nanindigang hindi contemptuous ang pagbibigay niya ng legal opinion sa TRO ng Court of Appeals

by dennis | April 1, 2015 (Wednesday) | 1117

IMAGE_UNTV-NEWS_09092014_DOJ-SEC-LEILA-DE-LIMA

Nanindigan si Justice Secretary Leila De Lima na hindi contemptuous ang pagbibigay nito ng legal opinion sa temporary restraining order na inilabas ng Court of Appeals laban sa suspension ni Makati City Mayor Junjun Binay

Sa pagdinig kahapon ng Court of Appeals sa petisyon ni binay, sinabi ng abogado ng alkalde na nilabag ni De Lima ang “sub judice rule”.

Ayon kay Atty. Claro Certeza, ito ay dahil isinapubliko ni de Lima ang kanyang legal opinion sa TRO na inilabas ng CA upang pigilin ang pagpapatupad ng suspensyon kay Binay.

Ang sub judice rule ang nagbabawal sa mga partido sa isang kaso na magbigay ng komentaryo sa publiko tungkol sa merito ng kaso.

Sinabi ni Certeza na maliban sa panayam ng kalihim sa media, ipinost din nito ang kanyang legal opinion sa website ng DOJ.

Ngunit nanindigan si de Lima na hindi contemptous ang kanyang ginawa. Hiningi lamang aniya ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kanyang opinyon sa naturang usapin.

Giit ng kalihim, hindi binding sa mga korte ang opinyong inilalabas ng isang Secretary of Justice.

Sinabi ng kalihim sa kanyang legal opinion na moot and academic na at wala nang bisa ang TRO ng Court of Appeals dahil naisilbi na ang suspensyon kay Binay bago nailabas ng korte ang nasabing kautusan.(Bianca Dava/UNTV Correspondents)