Sec. Harry Roque, nilinaw na hindi pa state witness si Janet Napoles

by Radyo La Verdad | March 20, 2018 (Tuesday) | 6797

Tumanggi munang magbigay ng komentaryo si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa isyu ng pagsasailalim sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles sa witness protection program (WPP) ng Department of Justice (DOJ).

Sa isang press conference sa Camarines Sur kahapon, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ipinauubaya ng pangulo sa prosecution panel ang pagpapasya hinggil sa estado ni Napoles.

Ngunit ayon sa tagapagsalita ng pangulo, sa ngayon ay provisional admission pa lang naman sa WPP ang ipagkakaloob kay Napoles. Posible pa itong mabago depende sa resulta ng gagawing pag-aaral ng DOJ sa pork barrel cases.

Nilinaw din ni Sec. Roque na hindi nangangahulugan ito na magiging state witness na si Napoles.

Noong Biyernes, kinumpirma ng DOJ na  isinailalim na sa provisional witness protection program ang umano’y mastermind sa multi-billion peso Priority Development Assistance Fund o PDAF scam.

Ikinababahala ng ilang mambabatas na sa kalaunan ay maging state witness si Napoles.

 

( Allan Manansala / UNTV Correspondent )

Tags: , ,