Sec. Duque, hinikayat si PAO chief Persida Acosta na magpabakuna na laban sa Covid-19

by Radyo La Verdad | January 21, 2022 (Friday) | 6454

Nanawagan si DOH Sec. Framcisco Duque kay PAO chief Atty. Persida Acosta na magpabakuna na ito laban sa Covid-19 dahil sa palagay niya si Acosta ay malapit na rin siyang mag senior citizen kaya dapat mabigyan siya ng karagdagang proteksyon sa pamamagitan ng bakuna.

Umapela kamakailan ang PAO chief sa mga lokal na pamahalaan na huwag i-discriminate ang mga hindi bakunado.

Iginiit niya, walang batas na nag-oobliga sa sinuman na magpabakuna na laban sa Covid-19.

Kinondena rin nito ang ipinatutupad na no vax, no ride policy ng Department of Transportation at sinabing unconstitutional ang nasabing patakaran.

Inamin ni Attorney Acosta na maging siya ay hindi pa bakunado dahil hinihintay pa umano nya kung may lalabas na protein-based na Covid-19 vaccine. Pero para kay Secretary Duque, dapat nang magpabakuna si Attorney Acosta lalo’t malapit na aniyang itong mag senior citizen at may iniinda ring karamdaman.

Ayaw naman natin na malagay sya sa isang napakapeligrosong katayuan lalo na kapagla ito’y severe to critical covid infection na alam natin nabibiktima dito ang mga senior citizens. Gaya ng sinabi nya meron daw syang ibang mga sakit, so mas lalo na dapat magpabakuna sya bunsod ng kaniyang commorbidities”, pahayag ni Sec. Francisco Duque III, Department of Health.

Dagdag pa ng kalihim dapat nang maging bukas ang kaisipan ng PAO chief sa proteksyong naibibgay ng bakuna lalo’t napatunayan na nakakatulong ito upang labanan ang malalang kaso ng Covid.

Sinagot naman ni Attorney Acosta ang mensahe ng DOH Secretary, kung saan tinuligsa nito ang umano’y kawalan ng liability o pananagutan ng pamahalaan hinggil sa masamang side effect ng covd vaccines.

“Malakas ang loob niyang magbakuna sa mga may commorbidity kase doon sa Republic Act 11525 wala silang liability, hindi sila pwedeng idemanda kapag namatay yung may comorbidity. ang panawagan ko sa DOH kung gaano kalakas ang loob ni Dr. Duque na magbakuna sa milyong Pilipino actually 50 million na ‘di umano ang nababakunahan, lakasan din niya ang loob niya na lagyan ang lahat ng health center ng libreng gamot pangontra sa side effect ng gamot. Kapag na-covid yung bakunado bigyan ng paracetamol, antibiotic, vitamins yan lagyan niya rin ng libre kase lalo na yung mahihirap. libre yung bakuna dapat libre rin yung pangontra sa side effect para walang mamatay at ma-ospital”, sagot ni PAO chief Atty. Persida Acosta, kay Sec. Duque.

Samantala, sinagot rin ni Acosta ang pahayag ni Senator Franklin Drilon kung saan sinabi nito na hindi dapat pahintulutan na pumasok sa opisina sa Acosta dahil hindi ito bakunado.

Ayon pa kay Senator Drilon inilalagay lamang ni Acosta sa peligro ang kanyang mga kasamahan sa trabaho na kapwa mga empleyado rin ng gobyerno.

“Ang masasabi ko lang kay Senator Drilon, huwag ako ang pag-initan niya makipag-usap siya sa city safe Philippines, mga doktor para maunawaan naman niya yung medical side dahil hindi ako doktor. Huwag ako ang gawin niyang isyu dahil hindi ako ang issue dito, ang isyu discriminatory ba ang no vax no ride policy, discriminatory ba ang ikulong mo ang isang hindi bakunado nang walang valid distinction from scientific”, ani PAO chief Atty. Persida Acosta.

Nauna nang pinayahuhan ni Department of Justice Secretary Guevarra si Attorney Acosta, kung saan nakapailalim ang Pao, na sumunod sa mga regulasyong ipinatutupad ng pamahalaan sa mga government employees na hindi pa bakunado.

Bilin ng DOJ Secretary na dapat masigurong palagi na ligtas sa banta ng hawaan ng covid-19 ang working environment sa mga ahensya ng gobyerno.

Janice Ingente | UNTV  News

Tags: , ,