Hindi ikinababahala ni Department of Health Secretary Francisco Duque III ang kasong isinampa ng Public Attorney’s Office (PAO) laban sa kaniya kaugnay ng kontrobersyal na dengue immunization program.
Reklamong reckless imprudence resulting to homicide at violation of the Anti-Torture Act ang isinumite ng PAO sa Department of Justice laban kay Duque at 35 pang mga opisyal.
Tinawag naman ni Duque na harassment at malisyoso ang reklamo pero iginiit ng kalihim na handa siyang harapin ang kaso.
Kasama rin sa mga inireklamo ng PAO sina former DOH Secretary Janette Garin, mga opisyal ng Sanofi Pasteur at ang mga opisyal ng Zuileg Pharma na siyang local distributor ng Dengvaxia.
Subalit ipinagtataka ni Duque kung bakit hindi kasama si dating DOH Secretary Paulyn Jean Ubial sa mga kinasuhan.
Samantala, sa pinakabagong report na inilabas ng World Health Organization Strategic Advisory Group of Experts, nakasaad na kinakailangan muna ang pre-screening bago bakunahan ng Dengvaxia ang isang tao.
Sinabi rin sa report na sa mga taong dating nagkasakit ng dengue lamang maaring ibigay ang Dengvaxia.
December 2017 sinuspendi ng DOH ang dengue vaccination program dahil sa Dengvaxia controversy.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )
Tags: dengue controversy, PAO, Sec. Duque