Nanindigan si DILG Secretary Eduardo Año na hindi kailangang magsagawa ng loyalty check sa hanay ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at pambansang pulisya.
Una ng nanawagan si Senator Panfilo Lacson na magsagawa ng loyalty check ang afp kahit hindi ipag-utos ng Pangulo. Ito ay sa gitna ng balitang tangkang pagpapatalsik sa pwesto sa punong ehekutibo.
Una nang nabanggit ng Pangulo na may hinanakit siya sa mga sundalong nakikipagsabwatan umano sa mga grupong nagbabalak na alisin siya sa pwesto o ang mga nasa likod ng Red October plot.
Kahapon ay sinabi ng commander-in-chief na mas gugustuhin pa niyang direktang ipaabot sa kanya ng mga sundalo o sinoman ang pagkadismaya sa kaniyang pamumuno sa bansa kaysa idaan ito sa isang kudeta.
Ayon sa Pangulo, handa siyang bumaba sa pwesto kung talagang wala nang kumpyansa sa kanya ang taumbayan.
Aniya, hindi na dapat magsayang ng panahon ang mga sundalo para magsagawa ng kudeta.
Ayon naman kay acting DILG Secretary Eduardo Año, 2017 pa sinimulan ng mga makakaliwang grupo at ilang miyembro ng oposisyon ang pagpaplano para mapaalis sa pwesto ang Pangulo.
( Victor Cosare / UNTV Correspondent )
Tags: AFP, loyalty check, Sec. Año