Sec. Aguirre, pinawalang bisa ang pagkakadismiss ng DOJ panel sa drug charges nina Espinosa, Lim at iba pa

by Radyo La Verdad | March 21, 2018 (Wednesday) | 12992

Pinawalang bisa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II ang pagkakadismiss ng DOJ panel sa mga drug charges nina self-confessed drug dealer Kerwin Espinosa at mga umano’y drug lords na sina Peter Lim, Peter Co at iba pa.

Sa ngayon, binibigyang pagkakataon ng Justice Department ang PNP at maging ang kampo ng mga akusado na magsumite ng mga karagdagang ebidensiya sa bagong DOJ panel na itinalagang humawak sa kaso.

Kabilang sa maaring tanggapin ang transcript ng pag-amin ni Espinosa sa pagdinig sa Senado na isa siyang drug dealer at maging ang travel records ng ibang akusado.

Dagdag ng opisyal, patututukan niya sa isang piskal ang pagkalap ng ebidensya at ang imbestigasyong isinasagawa ng PNP sa kaso.

Ayon naman sa PNP, inihahanda na nila ang mga ebidensyang magdidiin kay Kerwin Espinosa sa pagkaka-ugnay nito sa illegal drug operations.

Ayon kay PNP Drug Enforcement Group Director PSSupt. Albert Ferro, hawak ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang extrajudicial confession o ang katibayan ng pag-amin ni Espinosa noong November 2016  na sangkot siya sa kalakalan ng iligal na droga.

Samantala, sinabi naman ng kalihim na naghihinanakit ang ilan sa mga prosecutors matapos niyang atasan ang NBI na imbestigahan ang mga piskal na nagdismiss sa kaso nina Espinosa.

Sa kabila nito, hindi niya iaatras ang imbestigasyon at review sa naturang resolusyon.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,