Sec. Aguirre, pinag-iinhibit ng grupo ng mga kabataan sa kaso ni Kian Lloyd Delos Santos

by Radyo La Verdad | August 29, 2017 (Tuesday) | 3811

Panawagan ngayon ng isang grupo ng mga kabataan, huwag nang makialam sa kaso ni Kian Lloyd Delos Santos si Justice Sec. Vitaliano Aguirre II dahil sa pahayag nito na pinapalaki lang ang isyu.

Ngunit ayon sa kalihim, ignorante sa proseso ng DOJ ang mga nagsasabing dapat siyang mag inhibit sa kaso. Giit niya, hindi talaga dadaan sa kanya ang kaso dahil mga piskal lamang ang hahawak dito.

Muli ring tiniyak ng kalihim na hindi siya makikialam at patas ang  magiging pagtrato sa kaso ni Kian. Kinokondena niya ang pagpatay sa binatilyo at nakikiramay ang DOJ sa pamilya nito.

Katunayan aniya, inaalok niya na sumailalim sa Witness Protection Program ang pamilya at ang mga testigo sa kaso. Tuloy din aniya ang hiwalay na imbestigasyon ng NBI kahit pa tumanggi ang pamilya na ipa-autopsy sa NBI ang mga labi ng biktima.

Samantala, nakipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga magulang ng binatilyo kahapon. Kabilang sa napag-usapan ang seguridad ng pamilya Delos Santos.

Humingi rin ang mag-asawa ng tulong sa pamahalaan para sa kanilang tirahan at puhunan sa negosyo.

 

(Roderic Mendoza / UNTV Correspondent)

 

Tags: , ,