Search and retrieval operations sa mga biktimang sunog na mall sa Davao City, pansamantalang itinigil

by Radyo La Verdad | December 29, 2017 (Friday) | 2350

Nagkaroon ng pagsabog sa loob ng New City Commercial Center Mall habang isinasagawa ang search and retrieval operation alas nuebe kwarenta y sinco ng umaga noong Miyerkules.

Bunsod nito, pansamantalang itinigil ang paghahanap sa mga nawawala pang biktima ng sunog noong Sabado ng umaga. Sa ngayon ay sinusuri pa ng mga otoridad kung maaari na muling pasukin ang gusali.

Samantala, tinatayang umabot na 1.6 bilyong piso ang halaga ng nasirang ari-arian sanhi ng naturang sunog. Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP Region 11, sa furniture area na nasa ikatlong palapag ng mall nagsimula ang apoy.

Gayunman, hindi pa rin malinaw ang sanhi ng sunog na ikinamatay ng mahigit tatlumpu’t walong tao. Isa rin sa tinitignan ngayon ay ang umano’y kawalan o nakakandadong mga fire exit kaya hindi nakalabas ang ilan sa mga biktima ng sunog.

 

( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )

Tags: , ,