Inirekomenda na ng Office of the Defense Cordillera ang pagpapatigil sa national level search and retrieval operation sa mga nawawalang indibidwal sa nangyaring landslide sa Sitio Hakrang, Barangay Habawel, Natonin, Mt. Province. Opisyal nang nai-turnover kaninang umaga sa local government unit ang retrieval operations.
Kanina ay nagpulong ang miyembro ng Cordillera Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC), kabilang ang Natonin Police, Bureau of Fire Protection, Philippine Army, ilang rescue groups at iba pa.
Ayon kay Mayor Mateo Chiyawan ng Natonin, aabot sa higit tatlong daan tao ang maiiwan sa search and retrieval operation na mula sa mga bayan ng Mayoyao, Aguinaldo at Besao Rescue Groups dahil kabilang ang kanilang kababayan sa mga hindi pa nakikita.
Sa tala ng Office of the Civil Defense Cordillera, 17 ang narekober na katawan habang labing isa naman ang nananatiling nawawala.
Ayon kay Mayor Chiyawan, mula noong Martes ay wala na silang narekober na katawan sa ground zero.
Sinabi pa nito, mabibigyan din ng tig dalawampung libong pisong tulong pinansyal ang kaanak ng labing isang biktima na hindi pa nakikita.
Sa tala ng Natonin MDRRMO, higit isang daang landslide ang naitala sa bayan ng Natonin, kabilang na dito ang mga pagguho sa mga bara-barangay sa kanilang lugar.
( Grace Doctolero / UNTV Correspondent )