Search and rescue sa isang mangingisda sa Quezon na naitalang nawawala, nagpapatuloy

by Radyo La Verdad | October 30, 2018 (Tuesday) | 8657

Wala pang naitatalang casualty o damages sa pananalasa ng Bagyong Rosita sa bansa. Subalit isang mangingisda sa lalawigan ng Quezon ang naitalang nawawala at patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.

Patuloy namang naka-monitor ang National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) sa pananalasa ng bagyo.

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Dir. Edgar Posadas, umakyat na sa 12.02 milyong indibidwal ang apektado ng bagyo at karamihan ay mula sa Hilagang Luzon.

Mahigit sampung libong indibidwal na rin ang pinalikas sa mga pinaka apektadong probinsya sa mga Rehiyon 1,2,3 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Sa Itogon, 14 na paaralan naman ang ginamit bilang evacuation center matapos na palikasin ang mga residente sa Brgy. Ucab, kung saan marami ang namatay noong Bagyong Ompong.

Halos dalawang libong pasahero naman ang stranded sa mga pantalan at paliparan sa Southern Luzon, Western Visayas, Bicol at Northern Luzon, kung saan 189 na rolling cargos, 11 fishing vessels at isang motorbanca ang hindi makabiyahe, habang 30 domestic at international flights na rin ang kanselado.

Dagdag ni Posadas, naka-standby na rin ang apat na search and rescue helicopters ng Philippine Airforce, ambulance, at maging ang mga military trucks at emergency telecommunication equipment.

( Lea Ylagan / UNTV Correspondent )

Tags: , ,